Hukom 21
21
Mga Asawa para sa mga taga-Benjamin
1Doon sa Mizpa, nangako ang mga Israelita na hindi na nila papayagang mag-asawa ang mga anak nilang babae ng mga taga-Benjamin. 2Pagkatapos, pumunta ang mga Israelita sa Betel at umiyak nang malakas sa presensya ng Dios hanggang gabi. 3Sinabi nila, “O Panginoon, Dios ng Israel, bakit po ba nangyari ito? Ngayon, nabawasan na ng isang lahi ang Israel!”
4Kinaumagahan, gumawa sila ng altar at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 5Pagkatapos, nagtanong sila, “May lahi ba ng Israel na hindi dumalo nang nagtipon tayo sa presensya ng Panginoon sa Mizpa?” Nang panahong iyon naipangako nila sa presensya ng Panginoon, na ang sinumang hindi dadalo roon ay papatayin.
6Nalungkot ang mga Israelita sa mga kadugo nilang lahi ni Benjamin. Sinabi nila, “Nabawasan ng isang lahi ang Israel. 7Saan pa tayo makakakita ng mapapangasawa ng mga natirang lahi ni Benjamin? Nangako kasi tayo na hindi natin papayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae.”
8Nang nagtanong sila kung may lahi ng Israel na hindi nakasama nang nagtipon sila sa presensya ng Panginoon sa Mizpa, nalaman nilang hindi dumalo ang mga taga-Jabes Gilead. 9Dahil nang binilang ang mga tao, wala ni isa mang mga taga-Jabes Gilead ang nandoon. 10-11Kaya pumili ang mga mamamayan ng 12,000 matatapang na sundalo, at pinapunta sa Jabes Gilead para lipulin ang mga taga-roon, bata man o matanda, lalaki o babae, maliban lang sa mga dalaga. 12At doon, nakakita sila ng 400 dalagang birhen at dinala nila ito sa kampo nila sa Shilo na sakop ng Canaan.
13Pagkatapos, nagsugo ang buong sambayanan ng Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin na nagtatago sa Bato ng Rimon. Sinabi sa kanila ng mga mensahero na handa nang makipagkasundo sa kanila ang mga kapwa nila Israelita. 14Kaya umuwi ang mga lahi ni Benjamin at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes Gilead. Pero kulang pa ang mga dalaga para sa kanila.
15Nalungkot ang mga Israelita sa nangyari sa mga lahi ni Benjamin dahil binawasan ng Panginoon ng isang lahi ang Israel. 16Kaya nag-usap-usap ang mga tagapamahala sa mga mamamayan ng Israel. Sinabi nila, “Wala nang natirang babae na lahi ni Benjamin. Ano ba ang gagawin natin para makapag-asawa ang natira nilang mga lalaki? 17Kailangang magpatuloy ang lahi nila para hindi mawala ang lahi ni Benjamin. 18Pero hindi natin mapapayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae dahil nakapangako na tayo na ang gagawa nito ay susumpain.”
19Pagkatapos, naalala nila na malapit na pala ang taunang pista para sa Panginoon na ginaganap sa Shilo. (Ang Shilo ay nasa hilaga ng Betel, sa timog ng Lebona, at sa silangan ng daang mula sa Betel papunta sa Shekem.) 20Sinabi nila sa mga lahi ni Benjamin, “Magtago kayo sa mga ubasan, 21at bantayan nʼyo ang mga dalagang taga-Shilo. Kapag dumaan sila roon para sumayaw sa pista, lumabas kayo sa taniman at kumuha ng mapapangasawa ninyo at dalhin sa inyong lugar. 22Kung magrereklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid na lalaki, ito ang sasabihin namin sa kanila, ‘Nakikiusap kami na pabayaan nʼyo na lang sila dahil kulang ang mga dalagang nakuha natin noong lusubin natin ang Jabes Gilead. Wala kayong pananagutan dahil hindi naman kayo pumayag na mapangasawa ng mga lahi ni Benjamin ang mga anak ninyong babae.’ ”
23Kaya ginawa ito ng mga taga-Benjamin. Nagsikuha sila ng mga dalagang sumasayaw, at dinala pauwi bilang asawa. Pagdating nila sa kanilang lupain, ipinatayo nilang muli ang mga bayan nila at doon sila tumira. 24Umuwi rin ang iba pang mga Israelita sa sarili nilang lupain at sa sarili nilang angkan at pamilya.
25Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.
Currently Selected:
Hukom 21: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.