Leviticus 19
19
Ibaʼt ibang Kautusan
1Inutusan ng Panginoon si Moises 2na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. 3Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
4Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
5Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. 6Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. 7Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. 8At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
9Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
11Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.
12Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.
14Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.
15Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.
16Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.
17Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.
18Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.
19Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.
20Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,#19:20 hindi … ang babae: Ang ibig sabihin, hindi pa siya natutubos ng kanyang mapapangasawa o ng ibang tao sa kanyang amo para siyaʼy lumaya sa pagkaalipin. dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.
23Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
26Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.
Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.
27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.
29Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.
30Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.
31Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
32Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.
33Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
35Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.
Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.
Currently Selected:
Leviticus 19: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.