Leviticus 22
22
Ang mga Handog sa Panginoon
1Inutusan ng Panginoon si Moises 2na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:
Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.
3Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,#22:3 marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon. ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.
4-7Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,#22:4-7 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13. o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.#22:4-7 nakapaligo na: isa sa mga gawain na ginagawa ng mga Israelita para silaʼy maging malinis at karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon. Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.
8Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.
9Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
10Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.
Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.
15Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog
17Inutusan ng Panginoon si Moises 18na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:
Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.
26-27Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.
29Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.
31Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.
Currently Selected:
Leviticus 22: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.