Lucas 18
18
Aral Tungkol sa Pananalangin
1Nagkwento si Jesus sa mga tagasunod niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2Sinabi niya, “Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Dios at walang iginagalang na tao.#18:2 walang iginagalang na tao: o, balewala sa kanya ang kanyang kapwa. 3Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’ 4Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Dios at walang iginagalang na tao, 5bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin niya ako sa kapaparito niya.’ ” 6Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? 7Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? 8Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit kung ako na Anak ng Tao ay bumalik na rito sa mundo, may makikita kaya akong mga taong sumasampalataya sa akin?”
Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis
9May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10“May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu#18:12 ikapu: sa Ingles, tenth o tithe. ng lahat ng kinikita ko!’ 13Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata
(Mat. 19:13-15; Mar. 10:13-16)
15Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga tagasunod ni Jesus, sinaway nila ang mga tao. 16Pero tinawag ni Jesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 17Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”
Ang Lalaking Mayaman
(Mat. 19:16-30; Mar. 10:17-31)
18Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”#18:20 Exo. 20:12-16; Deu. 5:16-20. 21Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.
24Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mat. 20:17-19; Mar. 10:32-34)
31Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
(Mat. 20:29-34; Mar. 10:46-52)
35Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,#18:38 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang mula siya sa angkan ni David. maawa po kayo sa akin!” 39Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41“Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling#18:42 Pinagaling: o, Iniligtas. ka ng iyong pananampalataya.” 43Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.
Currently Selected:
Lucas 18: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.