Malakias 2
2
Ang Parusa sa mga Paring Suwail
1-2Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari.#2:1-2 susumpain … pari: o, susumpain ko kayo at gagawin kong sumpa ang mga pagpapalang inyong iginagawad sa mga tao. Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.
3“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi. 4Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. 5Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay#2:5 buhay: Maaaring ang ibig sabihin ay mabuti o/at mahabang buhay. at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa. 6Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.
7“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo. 8Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi. 9Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”
Hindi Naging Tapat ang mga Israelita
10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama?#2:10 ama: Maaaring ang tinutukoy ay si Abraham o ang Dios. At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.
11Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo#2:11 templo: o, piniling mga mamamayan. na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios. 12Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo,#2:12 mga anak nila at mga apo: Ito ang nasa Syriac at sa Targum, pero sa Hebreo ay hindi malinaw. kahit na maghandog pa sila sa Panginoong Makapangyarihan.
13Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon. 14Itinatanong ninyo kung bakit? Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa. 15Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Dios sa katawan at sa espiritu para maging kanya?#2:15 Hindi … kanya: o, Walang taong gagawa ng ganyan kung pinangungunahan siya ng Espiritu kahit papaano. At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadios. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan. 16Sapagkat sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae.”
Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.
Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon
17Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi. Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?” Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Dios ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Dios ng katarungan?”
Currently Selected:
Malakias 2: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.