Bilang 10
10
Ang mga Trumpetang Pilak
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Magpagawa ka ng dalawang trumpetang pilak, at gamitin mo ito upang tipunin ang mga tao at ihanda sila sa paglalakbay. 3Kapag pinatunog na nang sabay ang dalawang trumpeta, magtitipon ang buong mamamayan sa pintuan ng Toldang Tipanan. 4Kapag isa lang ang pinatunog, ang mga pinuno lang ng bawat lahi ang magtitipon sa iyong harapan. 5Kapag pinatunog ang trumpeta para ihanda ang mga tao sa paglalakbay, ang mga lahi sa silangang bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. 6Kapag pinatunog ang trumpeta ng dalawang beses, ang lahi naman sa gawing timog na bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. Ang pagpapatunog na ito ang magiging hudyat ng kanilang paglakad. 7Pero iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.
8“Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.
9“Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay aalalahanin kayo at ililigtas sa inyong mga kaaway. 10At sa panahon ng inyong pagsasaya – sa inyong pagdiriwang ng pista, pati na ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan#10:10 Pista ng Pagsisimula ng Buwan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. – patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Dios ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”
Umalis ang mga Israelita sa Sinai
11Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, pumaitaas ang ulap mula sa Toldang Sambahan kung saan nakalagay ang Kasunduan. 12Pagkatapos, umalis ang mga Israelita sa disyerto ng Sinai at nagpatuloy sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang ulap sa disyerto ng Paran. 13Ito ang unang pagkakataon na naglakbay sila ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 14Ang unang grupo na naglakbay dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Juda. Ang pinuno nila ay si Nashon na anak ni Aminadab. 15Ang lahi ni Isacar ay pinamumunuan ni Netanel na anak ni Zuar, 16at ang lahi ni Zebulun ay pinamumunuan ni Eliab na anak ni Helon.
17Pagkatapos kalasin ang Toldang Sambahan, dinala ito ng mga angkan ni Gershon at ng mga angkan ni Merari, at sumunod sila sa paglalakad.
18Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Reuben. Ang kanilang pinuno ay si Elizur na anak ni Sedeur. 19Ang lahi ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurishadai, 20at ang lahi ni Gad ay pinamumunuan ni Eliasaf na anak ni Deuel.
21At ang sumunod ay ang mga angkan ni Kohat na nagdadala ng mga banal na kagamitan ng Tolda. Kailangang naiayos na ang Tolda bago sila dumating sa susunod na lugar na kanilang pagkakampuhan.
22Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Efraim. Ang kanilang pinuno ay si Elishama na anak ni Amihud. 23Ang lahi ni Manase ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Padazur, 24at ang lahi ni Benjamin na pinamumunuan ni Abidan na anak ni Gideoni.
25Ang kahuli-hulihang lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Dan. Sila ang mga guwardya sa likod ng lahat ng mga grupo. Ang kanilang pinuno ay si Ahiezer na anak ni Amishadai. 26Ang lahi ni Asher ay pinamumunuan ni Pagiel na anak ni Ocran, 27at ang lahi ni Naftali ay pinamumunuan ni Ahira na anak ni Enan.
28Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglalakbay ng mga lahi ng Israel na magkakagrupo. 29Ngayon, sinabi ni Moises kay Hobab na kanyang bayaw na anak ni Reuel na Midianita, “Maglalakbay na kami sa lugar na sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa amin. Kaya sumama ka sa amin at hindi ka namin pababayaan, dahil nangako ang Panginoon na pagpapalain niya ang Israel.” 30Sumagot si Hobab, “Ayaw ko! Babalik ako sa aking bayan at sa aking mga kamag-anak.” 31Sinabi ni Moises, “Kung maaari, huwag mo kaming iwan. Ikaw ang nakakaalam kung saan ang mabuting lugar sa disyerto na maaari naming pagkakampuhan. 32Kung sasama ka sa amin, babahaginan ka namin ng lahat ng pagpapalang ibibigay sa amin ng Panginoon.”
33Kaya umalis sila sa bundok ng Panginoon at naglakbay ng tatlong araw. Nasa unahan nila palagi ang Kahon ng Kasunduan para humanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan. 34Kung araw, ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag naglalakbay sila. 35Bawat panahon na dadalhin ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “O Panginoon, mauna po kayo at pangalatin po ninyo ang inyong mga kaaway. Sanaʼy magsitakas sila.” 36At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “Panginoon, bumalik na po kayo rito sa libu-libong mamamayan ng Israel.”
Currently Selected:
Bilang 10: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.