YouVersion Logo
Search Icon

Bilang 12

12
Ang Reklamo nila Miriam at Aaron
1Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.#12:1 taga-Cush: sa Hebreo, taga-Etiopia. 2Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.
3(Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)
4Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda. 5Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa, 6sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip. 7Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan. 8Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”
9Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya. 10Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat,#12:10 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginagamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13. at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya, 11sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid#12:11 kapatid: sa literal, panginoon. ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan. 12Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”
13Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.” 14Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”
15Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo. 16Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.

Currently Selected:

Bilang 12: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in