YouVersion Logo
Search Icon

Bilang 19

19
Ang Tubig na Ginagamit sa Paglilinis
1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2“Ito pa ang isang tuntunin na gusto kong tuparin ninyo: Sabihan ninyo ang mga Israelita na dalhan kayo ng isang pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa nagagamit sa pag-aararo.#19:2 hindi pa nagagamit sa pag-aararo: sa literal, hindi pa ito nakakabitan ng pamatok. 3Ibigay ninyo ito kay Eleazar na pari at dalhin ninyo sa labas ng kampo at katayin sa kanyang harapan. 4Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng dugo nito sa pamamagitan ng kanyang daliri, at iwiwisik ito ng pitong beses sa harapan ng Toldang Tipanan. 5At habang nakatingin si Eleazar, susunugin ang buong baka – ang balat, ang laman, dugo at mga bituka nito. 6Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng isang putol ng punong sedro, isang sanga ng tanim na isopo at pulang panali na ihahagis lahat sa sinusunog na baka. 7Pagkatapos, kailangang labhan ni Eleazar ang kanyang damit at maligo siya. At pagkatapos, makakapasok na siya sa kampo, pero ituturing siyang marumi hanggang hapon. 8Ang taong nagsunog ng baka ay kailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo, at ituturing din siyang marumi hanggang hapon.
9“Ang taong itinuturing na malinis ang siyang kukuha ng abo ng baka, at ilalagay niya ito sa isang lugar na itinuturing na malinis sa labas ng kampo. Itatago ito pero gagamitin ng mamamayan ng Israel na panghalo sa tubig na gagamitin sa paglilinis. Ginagamit ang seremonyang ito para mawala ang kasalanan. 10Kailangang labhan ng taong kumuha ng abo ng baka ang kanyang damit, at ituturing din siyang marumi hanggang sa hapon. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng mga Israelita at dayuhan na naninirahang kasama ninyo magpakailanman.
11“Ang sinumang hihipo sa bangkay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12Kailangang linisin niya ang kanyang sarili ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa ikatlo at ikapitong araw. Pagkatapos, ituturing na siyang malinis. Pero kung hindi siya maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw, hindi siya ituturing na malinis. 13Ang sinumang makakahipo sa bangkay na hindi naglinis ng kanyang sarili#19:13 hindi naglinis ng kanyang sarili: Ang ibig sabihin, hindi ginawa ang seremonya upang maging karapat-dapat sa Dios. ay para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. Kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan ang taong iyon. Dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.
14“Ito ang tuntunin kung may taong mamatay sa loob ng tolda: Ang sinumang pumasok sa tolda o kayaʼy naroon na sa loob nang mamatay ang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15At ituturing din na marumi ang anumang mga lalagyan sa tolda na walang takip.
16“Ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw ang sinumang nasa labas ng kampo na nakahipo ng bangkay, pinatay man ito o namatay sa natural na paraan. Ganoon din sa nakahipo sa buto ng tao o nakahawak ng libingan.
17“Upang mawala ang pagiging marumi, ilagay sa lalagyan ang ibang mga abo ng baka na inihahandog para sa paglilinis at pagkatapos, dadagdagan ito ng tubig. 18Pagkatapos, kukuha ang taong itinuturing na malinis ng isang sanga ng tanim na isopo, at isasawsaw niya ito sa nasabing tubig, at iwiwisik sa tolda na may namatay at sa lahat ng kagamitan dito, at sa mga tao na nasa tolda. Wiwisikan din ang taong nakahipo ng buto ng tao o ng libingan, o ang sinumang pinatay o namatay sa natural na kamatayan. 19Sa ikatlo at ikapitong araw, wiwisikan ng malinis na tao ang maruming tao. At sa ikapitong araw, kailangang labhan ng taong nilinisan ang kanyang damit at maligo siya, at sa gabing iyoʼy ituturing na siyang malinis. 20Pero kung ang taong marumi ay hindi maglilinis, huwag na siyang ituring na kababayan ninyo, dahil para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. At dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya. 21Ang tuntuning ito ay dapat nilang sundin magpakailanman.
“Ang taong nagwisik ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay kailangang maglaba ng kanyang damit, at ang sinumang humipo ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay ituturing na marumi hanggang hapon. 22Ang sinuman o anuman na hahawak o hihipo sa maruming tao ay magiging marumi rin hanggang hapon.”

Currently Selected:

Bilang 19: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in