Bilang 24
24
1Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto 2at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, 3at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.#24:3 pang-unawa: sa literal, paningin. 4Narinig ko ang salita ng Dios, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.#24:4 nagpahayag siya sa akin: sa literal, binuksan ang aking mga mata. Ito ang aking mensahe:
5‘Anong ganda ng mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob.
6Katulad ito ng mga nakalinyang palma, o ng mga tanim sa tabi ng ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng Panginoon, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig.
7Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging mas makapangyarihan kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag.
8Inilabas sila ng Dios sa Egipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto.
9Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ”
10Dahil dito, matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, pero binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. 11Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, pero hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.” 12Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam
15Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.#24:15 pang-unawa: Tingnan ang “footnote” sa 24:3. 16Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.#24:16 nagpahayag siya sa akin: Tingnan ang “footnote” sa 24:4. Ito ang aking mensahe:
17“May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari#24:17 mamamahala ang isang hari: sa literal, may lilitaw na bituin, may lalabas na setro ng hari. sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19Mamumuno ang isang pinuno sa Israel#24:19 Israel: sa literal, Jacob. at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
Ang Huling Mensahe ni Balaam
20Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato 22pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios? 24Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, pero babagsak din ang Kitim.”
25Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.
Currently Selected:
Bilang 24: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.