Bilang 27
27
Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad
1Si Zelofehad ay may mga anak na babae na sina Mahlah, Noe, Hogla, Milca at Tirza. Si Zelofehad ay anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase. Si Manase ay anak ni Jose. 2Ngayon, nagpunta ang mga babaeng ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at tumayo sa harapan nina Moises, Eleazar, ng mga pinuno at ng buong kapulungan ng Israel. Sinabi ng mga babae, 3“Namatay ang aming ama roon sa ilang na walang anak na lalaki. Pero namatay siya hindi dahil sa tagasunod siya ni Kora na nagrebelde sa Panginoon, kundi dahil sa sarili niyang kasalanan. 4Dahil lang po ba sa walang anak na lalaki ang aming ama, mawawala na ang kanyang pangalan sa sambahayan ng Israel? Bigyan din ninyo kami ng lupa tulad ng natanggap ng aming mga kamag-anak.”
5Kaya sinabi ni Moises sa Panginoon ang kanilang hinihingi. 6Sinabi ng Panginoon kay Moises, 7“Tama ang sinabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Kailangang bigyan mo sila ng lupa kasama ng mga kamag-anak ng kanilang ama. Ibigay sa kanila ang lupa na dapat sana ay sa kanilang ama.
8“At sabihin mo sa mga Israelita na kung mamatay ang isang tao na hindi nagkaanak ng lalaki, kailangang ibigay sa kanyang anak na babae ang kanyang lupa. 9At kung wala siyang anak na babae, ibigay sa kanyang kapatid na lalaki. 10At kung wala siyang kapatid na lalaki, ibigay ang kanyang lupa sa kapatid na lalaki ng kanyang ama. 11Kung walang kapatid na lalaki ang kanyang ama, ibigay ang kanyang lupa sa pinakamalapit niyang kamag-anak at ang kanyang kamag-anak ang magmamana ng lupa. Itoʼy susundin ng mga Israelita bilang isang legal na kautusang dapat sundin, ayon sa iniutos ko sa iyo, Moises.”
Pinili si Josue Bilang Kapalit ni Moises
(Deu. 31:1-8)
12Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka sa kabundukan ng Abarim at tingnan mo roon ang lupaing ibinigay ko sa mga Israelita. 13Pagkatapos mong makita ito, sasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno, tulad ng kapatid mong si Aaron. 14Dahil noong nagrebelde ang mga Israelita sa akin doon sa bukal ng ilang ng Zin, sinuway ninyo ni Aaron ang aking utos na ipakita ang aking kabanalan sa mga mamamayan.” (Ang bukal na ito ay ang Meriba na nasa Kadesh sa ilang ng Zin.) 15Sinabi ni Moises sa Panginoon, 16“O Panginoon, Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, pumili po sana kayo ng isang tao na mamumuno sa mga mamamayang ito 17at mangunguna sa kanila sa labanan, upang ang inyong mga mamamayan ay hindi maging tulad ng mga tupang walang tagapagbantay.”
18Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag si Josue na anak ni Nun, na puspos ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanyang ulo. 19Patayuin siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan, at ipaalam mo sa kanila na pinili mo siya para pumalit sa iyo. 20Ibigay mo sa kanya ang iba mong kapangyarihan upang sundin siya ng buong mamamayan ng Israel. 21Kay Eleazar niya malalaman ang aking pasya sa pamamagitan ng paggamit ni Eleazar ng ‘Urim’#27:21 ‘Urim’: Bagay na ginagamit para malaman ang kalooban ng Dios. sa aking presensya. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ni Eleazar si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kanilang gagawin.”
22Kaya ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinatawag niya si Josue at pinatayo sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong kapulungan. 23At ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Josue at ipinahayag na si Josue ang papalit sa kanya.
Currently Selected:
Bilang 27: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.