YouVersion Logo
Search Icon

Salmo 119

119
Salmo 119
Ang Kautusan ng Dios
1Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
2Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
3Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
4 Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
5Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
6At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
7Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
8Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan.
9Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21Sinasaway nʼyo ang mga hambog
at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.
25Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
26Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
27Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
28Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.
29Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,
at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.
30Pinili ko ang tamang daan,
gusto kong sumunod sa inyong mga utos.
31 Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,
kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.
32Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,
dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.
33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
dahil ito ang aking kasiyahan.
36Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
Panatilihin nʼyo ang aking buhay#119:37 Panatilihin … buhay: o, Baguhin nʼyo ang aking buhay. ayon sa inyong pangako.
38Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.#119:40 panatilihin … buhay: Tingnan ang “footnote” sa talatang 37.
41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45Mamumuhay akong may kalayaan,
dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.
49Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.
57Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
73Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
81Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
97Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
105Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107Hirap na hirap na po ako Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.
113Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.
121Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
129Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
137Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
138Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.
145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146Tumatawag ako sa inyo;
iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.#119:149 paghatol: o, utos.
150Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.
153Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155Hindi maliligtas ang masasama,
dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156Napakamaawain nʼyo Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.#119:156 paghatol: o, utos.
157Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.
161Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164Pitong beses#119:164 Pitong beses: o, Paulit-ulit, o, Maingat. akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

Currently Selected:

Salmo 119: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in