YouVersion Logo
Search Icon

Salmo 38

38
Salmo 38#38 Salmo 38 Ang unang mga salita sa Hebreo: Ang Salmo ni David na inaawit sa tuwing mag-aalay ng mga handog bilang pag-alaala sa Panginoon.
Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap
1 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
2Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
3Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
4Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
5Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
6Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
7Sumasakit ang buo kong katawan,
at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
8Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
9Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11Dahil sa aking karamdaman,
akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
at maging ng aking mga kamag-anak.
12Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.
13Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
“Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17Akoʼy parang babagsak na
sa walang tigil na paghihirap.
18Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.
19Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20Sa mabuti kong ginawa,
sinusuklian nila ako ng masama.
At kinakalaban nila ako
dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.
21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Currently Selected:

Salmo 38: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in