Roma 15
15
Mamuhay Tayo para sa Ikabubuti ng Iba
1Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina sa pananampalataya. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, 2kundi ang kapakanan din ng iba, para mapalakas ang kanilang pananampalataya. 3Maging si Cristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga pang-iinsultong ginawa sa inyo.”#15:3 Salmo 69:9. 4Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat para turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa.
5Nawa ang Dios na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga tagasunod ni Cristo Jesus. 6Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Magandang Balita para sa mga Hindi Judio
7Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Cristo sa inyo para mapapurihan ang Dios. 8Sapagkat sinasabi ko sa inyo na isinugo ng Dios si Cristo para maglingkod sa mga Judio at para ipakita na ang Dios ay tapat sa pagtupad ng kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno. 9Sinugo rin si Cristo para ipakita ang awa ng Dios sa mga hindi Judio, nang sa ganoon ay papurihan din nila ang Dios. Ayon nga sa Kasulatan,
“Pasasalamatan kita sa piling ng mga hindi Judio,
at aawit ako ng mga papuri sa iyo.”#15:9 2 Sam. 22:50; Salmo 18:49.
10At sinabi pa sa Kasulatan,
“Kayong mga hindi Judio, makigalak kayo sa mga taong sakop ng Dios.”#15:10 Deu. 32:43.
11At sinabi pa,
“Kayong lahat na mga hindi Judio, purihin ninyo ang Panginoon.
Kayong lahat, purihin siya.”#15:11 Salmo 117:1.
12Sinabi naman ni Isaias,
“Magmumula sa lahi ni Jesse ang isang mamumuno sa mga hindi Judio,
at aasa sila sa kanya.”#15:12 Isa. 11:10.
13Nawa ang Dios na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang siya ring magbigay sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong pananampalataya sa kanya, para patuloy na lumago ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
14Mga kapatid, lubos akong naniniwala na puno kayo ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalala sa isaʼt isa. 15Ganoon pa man, sumulat pa rin ako ng walang pag-aalinlangan tungkol sa mga bagay na dapat ipaalala sa inyo, dahil ipinagkaloob ng Dios sa akin 16na maging lingkod ni Cristo Jesus para sa mga hindi Judio. Naglilingkod ako sa kanila na tulad ng isang pari at ipinangangaral ko ang Magandang Balita ng Dios. Ginagawa ko ito para maging handog sila na katanggap-tanggap sa Dios, na itinalaga sa kanya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 17At dahil akoʼy nakay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking mga nagawa para sa Dios. 18At wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, na nahikayat ko ang mga hindi Judio na sumunod sa Dios sa pamamagitan ng aking mga aral at mga gawa, 19sa tulong ng mga himala at kamangha-manghang mga bagay na gawa ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya naipangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo mula sa Jerusalem hanggang Iliricum. 20Ang tanging nais koʼy maipangaral ang Magandang Balita sa mga lugar na hindi pa naipapangaral si Cristo para hindi ako makapangaral sa lugar na may gawaing pinasimulan na ng iba. 21Sinasabi sa Kasulatan,
“Makikilala siya ng mga hindi pa nasasabihan ng tungkol sa kanya.
Makakaunawa ang mga hindi pa nakakarinig.”#15:21 Isa. 52:15.
Ang Plano ni Pablo na Pagpunta sa Roma
22 Ang pangangaral ko sa mga lugar dito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakarating diyan sa inyo. 23Pero ngayong natapos ko na ang mga gawain ko rito, at dahil matagal ko nang gustong pumunta riyan, 24inaasahan kong magkikita-kita na tayo ngayon. Dadaan ako riyan sa pagpunta ko sa España. At alam kong magiging masaya ako sa ating pagkikita kahit saglit lang. Inaasahan ko rin na matutulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa España mula riyan. 25Pero sa ngayon, kailangan ko munang pumunta sa Jerusalem para ihatid ang tulong sa mga pinabanal#15:25 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya. Ganito rin sa mga talatang 26 at 31. ng Dios. 26Sapagkat minabuti ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya na magbigay ng tulong para sa mga mahihirap na pinabanal ng Dios doon sa Jerusalem. 27Masaya nilang ginagawa ito, at ito ang nararapat, dahil may utang na loob sila sa mga kapatid sa Jerusalem. Kung ang mga hindi Judio ay nakabahagi sa pagpapalang espiritwal ng mga Judio, dapat lang na tulungan nila ang mga Judio sa mga pagpapalang materyal. 28Pagkatapos kong maihatid ang nakolektang tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan sa inyo bago ako pumunta sa España. 29Naniniwala ako na pagdating ko riyan, dala ko ang maraming pagpapala para sa inyo mula kay Cristo.
30Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig na bigay ng Banal na Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin sa Dios para sa akin. 31Ipanalangin ninyo na maligtas ako sa mga di-mananampalataya sa Judea, at malugod na tanggapin ng mga pinabanal ng Dios sa Jerusalem ang dala kong tulong para sa kanila. 32Sa ganoon, masaya akong darating diyan sa inyo kung loloobin ng Dios, at makakapagpahinga sa piling ninyo. 33Patnubayan nawa kayo ng Dios na nagbibigay ng kapayapaan. Amen.
Currently Selected:
Roma 15: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.