YouVersion Logo
Search Icon

Ruth 4

4
Nagpakasal si Boaz kay Ruth
1Pumunta si Boaz sa pintuang bayan#4:1 pintuang bayan: Dito ginaganap ang pagtitipon ng mga tao kung may mga bagay sila na kailangang ayusin. at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. 2At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, 3sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. 4Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” 5Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,#4:5 Sa araw … biyuda: Ganito ito sa ibang teksto, pero sa Hebreo, Sa araw na bibilhin mo ang lupa kay Naomi at kay Ruth na Moabita, kinakailangang kunin (sa literal, bilhin) mo bilang asawa ang biyuda. para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”#4:5 Kapag nagkaanak ang lalaki kay Ruth, ang anak niya ay ituturing na anak ni Mahlon, ang unang asawa ni Ruth na namatay. Si Ruth at ang anak niya ang magmamay-ari ng lupa at hindi ang taong nagpakasal sa kanya. Sa ganitong paraan mananatili ang lupa sa pamilya ni Mahlon.
6 Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”
7Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.
8Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.#4:8 at ibinigay kay Boaz: Ito ang nasa Septuagint, pero wala sa Hebreo. 9Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,#4:10 Tingnan ang “footnote” sa 4:5. at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”
11Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng Panginoon na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. 12Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.”
Ang mga Ninuno ni David
13Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
18Ito ang mga angkan ni Perez hanggang kay David:
Si Perez ang ama ni Hezron, 19si Hezron ang ama ni Ram, si Ram ang ama ni Aminadab, 20si Aminadab ang ama ni Nashon, si Nashon ang ama ni Salmon, 21si Salmon ang ama ni Boaz, si Boaz ang ama ni Obed, 22si Obed ang ama ni Jesse, at si Jesse ang ama ni David.

Currently Selected:

Ruth 4: ASND

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in