Awit 2
2
Babae
1Akoʼy isang bulaklak lamang ng Sharon, isang liryo#2:1 liryo: sa Ingles, “lily.” sa lambak.
Lalaki
2Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.
Babae
3Kung ihahambing naman sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno roon sa kagubatan. Ako ay nanabik na maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga. 4Dinala niya ako sa isang handaan para ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal. 5Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas para akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig. 6Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.
7Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
8Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. 9Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13Ang mga bunga ng igos ay hinog na#2:13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na: o, Ang mga puno ng igos ay namumunga na. at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”
Lalaki
14Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.
Mga Babae ng Jerusalem
15Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat#2:15 asong-gubat: sa Ingles, fox. na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.
Babae
16Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo. 17Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.
Currently Selected:
Awit 2: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.