Awit 4
4
Lalaki
1Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. 2Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. 3Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. 4Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. 5Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. 6Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. 7O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.
8O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon. 9O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso. 10Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango. 11Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 12O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran. 13Ang mga punoʼy namumunga ng pomegranata at iba pang mga piling bunga. Sagana ito sa halamang henna, nardo, 14safron, kalamo at sinamon, maging ng ibaʼt ibang klase ng insenso, mira, aloe at iba pang mamahaling pabango. 15Tulad ka ng isang hardin na may bukal na umaagos mula sa mga kabundukan ng Lebanon.
Babae
16Kayong hanging amihan at habagat, umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang kainin ang mga piling bunga nito.
Currently Selected:
Awit 4: ASND
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.