2 Mga Cronica 27
27
Si Haring Jotam ng Juda
(2 Ha. 15:32-38)
1Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 2Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. 3Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. 4Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. 5Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan#5 malalaking sisidlan: Ang bawat isa sa mga sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na 220 litro. at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. 6Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. 7Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. 8Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. 9Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari.
Currently Selected:
2 Mga Cronica 27: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society