Ezekiel 48
48
Ang Paghahati ng Lupain
1Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. 2Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. 3Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. 4Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. 5Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. 6Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. 7Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.
Ang Gitnang Bahagi ng Lupain
8Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.
9Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.
15Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.
Ang Kaparte ng Pinuno
21Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.
Ang Kaparte ng Ibang Lipi
23Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30Ganito#Pah. 21:12-13. naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi ni Simeon, Isacar at Zebulun. 34Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’
Currently Selected:
Ezekiel 48: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society