Isaias 26
26
Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh
1Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag na ang ating lunsod;
si Yahweh ang magtatanggol sa atin
at magbibigay ng tagumpay.
2Buksan ang pintuan,
at hayaang pumasok
ang matuwid na bansa na laging tapat.
3Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga may matatag na paninindigan
at sa iyo'y nagtitiwala.
4Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman,
sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
5Ibinababâ niya ang mga nasa itaas;
ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan;
hanggang maging alabok ang mga pader nito.
6Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak;
at ginagawang tuntungan ng mahihirap.”
7Patag ang daan ng taong matuwid,
at ikaw, O Yahweh ang dito'y pumatag.
8Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
ikaw lamang ang aming inaasahan.
9Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
malalaman nila kung ano ang matuwid.
10Kahit mahabag ka sa taong masama,
hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11Nagbabala#Heb. 10:27. ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.
12Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
at anumang nagawa nami'y
dahil sa iyong kalooban.
13O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.
16Hinanap ka nila sa gitna ng hirap,
nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag.
17Sa iyong harapan, katulad nami'y babaing manganganak,
na napapasigaw sa tindi ng hirap.
18Matinding hirap ang aming dinanas,
ngunit ito'y nawalan ng kabuluhan,
wala kaming napagtagumpayang labanan,
at wala kaming anak na magmamana ng lupain.
19Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay,
mga bangkay ay gigising at aawit na may galak;
kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa,
ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay.
Ang Kahatulan at Panunumbalik
20Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang,
isara ninyo ang mga pinto,
magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh.
21Sapagkat darating si Yahweh mula sa kalangitan,
upang parusahan ang mga tao sa daigdig dahil sa kanilang mga kasalanan.
Sa sandaling ito'y mahahayag ang mga lihim na pagpaslang
at mabubunyag pati ang kanilang libingan.
Currently Selected:
Isaias 26: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society