Joel 1
1
Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim
1Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.
2Makinig kayo, matatandang pinuno,
pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
o sa panahon ng inyong mga ninuno?
3Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.
4Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
kinain ng sumunod ang natira ng una.
5Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
Umiyak kayo, mga manginginom!
Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.
6Sinalakay#Pah. 9:8. ng makapal na balang ang ating lupain.
Sila'y mapangwasak at di mabilang;
parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
7Sinira nila ang ating mga ubasan
at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
kaya't namuti pati mga sanga.
8Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
9Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
sapagkat nasalanta ang mga trigo,
natuyo ang mga ubas,
at nalanta ang mga punong olibo.
11Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13Magluksa kayo at tumangis,
mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
at ang lahat ng taga-Juda,
sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
at dumaing sa kanya.
15Malapit#Isa. 13:6. na ang araw ni Yahweh,
ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos.
16Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim,
at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos?
17Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa.
Walang laman ang mga kamalig,
at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol.
18Umungal ang mga baka
sapagkat walang mapagpastulan sa kanila.
Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain.
19O Yahweh, dumaraing ako sa iyo,
sapagkat natuyo ang mga pastulan,
at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy.
20Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo
sapagkat natuyo rin ang mga batis,
at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy.
Currently Selected:
Joel 1: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society