Josue 1
1
Paghahanda sa Pananakop
1Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, 2“Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. 3Gaya#Deut. 11:24-25. ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. 4Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. 5Walang#Deut. 31:6, 8; Heb. 13:5. makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. 6Magpakatatag#Deut. 31:6-7, 23. ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. 7Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. 8Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. 9Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
10Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11“Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”
12Sinabi#Bil. 32:28-32; Deut. 3:18-20; Jos. 22:1-6. naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13“Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”
16Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. 17Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. 18Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.”
Currently Selected:
Josue 1: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society