Levitico 27
27
Mga Batas Tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh
1Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2“Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: 3Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo 4at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. 5Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. 6Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. 7Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.
8“Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.
9“Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.
14“Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. 15Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay.
16“Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan#16 Ang sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na halos 220 litro. ng sebada. 17Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. 18Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. 19Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 20Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. 21Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari.
22“Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, 23hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. 24Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. 25Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo.
26“Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. 27Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.
28“Lahat#Bil. 18:14. ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. 29Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin.
30“Lahat#Bil. 18:21; Deut. 14:22-29. ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. 31Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 32Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. 33Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.”
34Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel.
Currently Selected:
Levitico 27: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society