Mga Kawikaan 15
15
1Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit,
ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.
2Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman,
ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan.
3Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar,
ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.
4Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay,
ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
5Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama,
ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya.
6Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan,
ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan.
7Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan,
ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang.
8Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama,
ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
9Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi,
ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi.
10Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa,
at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala.
11Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh,
ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli.
12Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo,
at sa matatalino'y di hihingi ng payo.
13Ang taong masayahin ay laging nakangiti,
ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
14Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,
ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
15Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka,
ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya.
16Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh,
ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
17Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig
kaysa isang matabang baka na inihaing may galit.
18Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan,
ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan.
19Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik,
ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid.
20Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama,
ngunit ang isang mangmang ay kahihiyan ng kanyang ina.
21Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan,
ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman.
22Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan,
ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
23Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan,
at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang.
24Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas,
upang maiwasan ang daigdig ng mga patay.
25Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog,
ngunit ang tahanan ng isang biyuda ay iingatan ng Diyos.
26Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama,
ngunit kasiyahan niya ang pangungusap ng may malinis na diwa.
27Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan,
ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.
28Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin,
ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain.
29Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid,
ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
30Ang masayang ngiti sa puso ay kasiyahan,
at ang mabuting balita ay may dulot na kalusugan.
31Ang marunong makinig sa paalala
ay mayroong unawa at mabuting pasya.
32Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral,
ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman.
33Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan,
at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Currently Selected:
Mga Kawikaan 15: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society