YouVersion Logo
Search Icon

Mga Kawikaan 25

25
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
1Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
3Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
4Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. 5Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
6Huwag#Lu. 14:8-10. kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. 7Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
8Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.
9Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
11Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
12Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
13Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.
14Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
15Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
16Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
18Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.
19Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.
20Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
21Kapag#Ro. 12:20. nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
23Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.
24Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
25Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.
26Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
27Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
28Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.

Currently Selected:

Mga Kawikaan 25: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in