YouVersion Logo
Search Icon

Mga Awit 22

22
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
1O#Mt. 27:46; Mc. 15:34. Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7Pinagtatawanan#Mt. 27:39; Mc. 15:29; Lu. 23:35. ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8Sabi#Mt. 27:43. nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9Noong ako ay iluwal, Ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18Mga#Mt. 27:35; Mc. 15:24; Lu. 23:34; Jn. 19:24. damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22Mga#Heb. 2:12. ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

Currently Selected:

Mga Awit 22: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in