Mga Awit 55
55
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
1Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)#7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
8Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)#19 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Currently Selected:
Mga Awit 55: MBB05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society