YouVersion Logo
Search Icon

Tobit 3

3
Ang Panalangin ni Tobit
1Ang nangyaring ito'y labis kong dinamdam. Sa sama ng loob, ako'y napaiyak nang malakas. Tumatangis akong nanalangin nang ganito:
2Ikaw ay matuwid at makatarungan,#2 makatarungan: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang ito.
O Panginoon, tapat ka sa lahat ng bagay.
Ikaw ang hukom ng daigdig na ito.#2 Ikaw ang hukom ng daigdig na ito: Sa ibang manuskrito'y Ikaw ay laging makatarungan at walang kinikilingan kapag nagbibigay ng hatol.
3Kaya naman ako'y iyong kahabagan, linisin ako at iyong tulungan,
sa mga kasalanan ko'y huwag mong parusahan,
sa di sinasadyang mga kamalian
at pagkakasala ng aking mga ninuno.
4Sa pagkakasala nila at paglabag,
itong aming lahi'y nabihag at naghirap,
maraming namatay nang sila'y dalhing-bihag.
Kahit saang bansang aming kinasadlakan,
tinutuya kami't pinag-uusapan,
nalagay kami sa labis na kahihiyan.
5Ang mga parusang iyong iginawad,
tapat at totoo, sa ami'y nararapat
sa mga magulang nami'y angkop na ilapat.
Pati na sa amin ang parusa'y dapat pagkat ang utos mo'y di namin tinupad.
6“Gawin mo sa akin, iyong maibigan,
pabayaan mo nang makitil ang buhay,
bayaan na akong makabalik sa lupa,
masarap pa sa aking ako'y mamayapa.
Di ko matitiis na ako'y kutyain,
lubhang mabigat na ang aking pasanin.
Panginoon, hayaan nang hirap ko'y magwakas
at mamahinga ako sa tirahang walang hanggan.
Mabuti pa ngayon ang ako'y mamatay, kaysa magtiis pa ng hirap sa buhay
na ang naririnig ay mga pangungutya!”
Maling Paratang kay Sara
7-8Nang panahong iyon, sa Ecbatana, Media, ay may isang dalagang ang pangala'y Sara na anak ni Raguel. Pitong ulit na siyang nagpakasal, ngunit bago siya masipingan, bawat mapangasawa niya ay pinapatay ng demonyong si Asmodeo. Isang araw, ininsulto siya ng isang babaing utusan ng kanyang ama. Sabi nito, “Pihong ikaw ang pumatay sa iyong mga naging asawa. Tingnan mo, pito ang naging asawa mo, ngunit wala ni isang nakapagbigay sa iyo ng anak. 9Bakit kami ang pagpapasanin mo nito? Mamamatay ng asawa! Mabuti pa'y magpakamatay ka na rin! Hindi namin gustong ikaw ay magkaanak pa!”
10Lubhang nalungkot si Sara nang araw na iyon. Umiiyak siyang umakyat sa silid ng kanyang ama. Nais na niyang magbigti, ngunit nagbago ang kanyang isip. “Hindi!” nasabi niya sa sarili. “Hahamakin ng mga tao ang tatay ko kapag ito'y ginawa ko. Tiyak na sasabihin nila sa kanya, ‘Iisa na nga lang ang anak mong babae, nagpakamatay pa dahil sa kapighatian!’ Para kong itinulak ang aking ama sa hukay dahil sa sama ng loob. Mabuti pang hilingin ko sa Panginoon na siya ang kumitil sa aking buhay para hindi na ako kutyain ng mga tao.”
Ang Panalangin ni Sara
11Kaya't noon di'y humarap si Sara sa bintana, itinaas ang mga kamay, at nanalangin nang ganito:
“Mahabaging Diyos, dapat kang papurihan,
marapat dakilain ang iyong pangalan,
dapat kang purihin ng lahat ng nilalang.
12Ang tulong mo ay aking hinihintay, O Panginoon.
13Iyo ngang iutos na ako ay lumaya
nang di na marinig ang mga pagkutya.
14Iyong nababatid na ako'y dalaga,
nakasiping na lalaki, kailanma'y wala pa.
15Dangal ng sarili'y aking naingatan, pati na ang dangal ng aking magulang
sa lugar kung saan dinala kaming bihag.
Itong aking ama'y walang ibang anak,
walang kamag-anak#15 kamag-anak: Kaugalian ng mga Israelita na mag-asawa ng mula sa kanilang sariling lipi, at kadalasa'y kamag-anak rin. na aking magiging kabiyak.
Pitong beses na akong nabiyuda
kaya ang buhay ko'y wala nang halaga.
Kung ang buhay ko'y di mo pa kukunin,
iyong ipadama ang habag sa akin,
huwag mo nang hayaang ako ay kutyain.”#15 iyong ipadama…kutyain: Sa ibang manuskrito'y iyong pakinggan ang aking hinaing.
Tinugon ng Diyos ang Dalangin nina Tobit at Sara
16Ang dalangin ni Tobit at ni Sara ay narinig ng Diyos. Noon di'y tinugon niya ang kanilang kahilingan. 17Isinugo#Bil. 36:6-9; Tb. 6:10-12. niya ang anghel na si Rafael upang sila'y tulungan. Isinugo ito upang alisin ang katarata sa mata ni Tobit at upang palayain si Sara sa kapangyarihan ng demonyong si Asmodeo, at pagkatapos ay makasal kay Tobias, na anak ni Tobit, sapagkat si Tobias ang may karapatan kay Sara. Samantalang si Tobit ay pabalik sa kanyang tahanan mula sa bakuran nila, si Sara naman, na anak ni Raguel, ay bumababa sa kanyang silid.

Currently Selected:

Tobit 3: MBB05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in