I Mga Cronica 11
11
1Nang magkagayo'y ang buong Israel ay nagpipisan kay David sa Hebron, na nagsasabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman. 2Nang mga panahong nakaraan, sa makatuwid baga'y nang si Saul ay hari, ikaw ang pumapatnubay at nagpapasok sa Israel: at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Dios, Iyong aalagaan ang aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pangulo ng aking bayang Israel. 3Sa gayo'y lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon sa hari sa Hebron; at si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon, at kanilang pinahiran ng langis si David na hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel. 4At si David at ang buong Israel ay naparoon sa Jerusalem (na siyang Jebus); at ang mga Jebuseo na mga tagaroon sa lupain, ay nangandoon. 5At sinabi ng mga taga Jebus kay David, Ikaw ay hindi makapapasok rito. Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan ng Sion; na siyang bayan ni David. 6At sinabi ni David, Sinomang sumakit sa mga Jebuseo na una ay magiging pinuno at kapitan. At si Joab na anak ni Sarvia ay sumampang una, at naging pinuno. 7At si David ay tumahan sa katibayan; kaya't kanilang tinawag na bayan ni David. 8At kaniyang itinayo ang bayan sa palibot, mula sa Millo hanggang sa palibot: at hinusay ni Joab ang nalabi sa bayan. 9At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa kaniya. 10Ang mga ito ang mga pinuno ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David, na napakilala na malakas na kasama niya sa kaniyang kaharian, na kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel. 11At ito ang bilang ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: si Jasobam, na anak ng isang Hachmonita, na pinuno ng tatlongpu; siya ang nagtaas ng kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila na paminsan. 12At pagkatapos niya ay si Eleazar na anak ni Dodo, na Ahohita, na isa sa tatlong makapangyarihang lalake. 13Siya'y kasama ni David sa Pasdammin, at doo'y ang mga Filisteo ay nagpipisan upang bumaka, na kinaroroonan ng isang putol na lupa na puno ng sebada; at ang bayan ay tumakas sa harap ng mga Filisteo. 14At sila'y nagsitayo sa gitna ng putol na yaon at ipinagsanggalang, at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas ng Panginoon sila sa pamamagitan ng isang dakilang pagtatagumpay. 15At binaba sa malaking bato si David ng tatlo sa tatlongpung pinuno, sa loob ng yungib ni Adullam; at ang hukbo ng mga Filisteo ay humantong sa libis ng Raphaim. 16At si David nga ay nasa katibayan, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem noon. 17At si David ay nagbuntonghininga, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem na mainom, na nasa siping ng pintuang-bayan! 18At ang tatlo'y nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa siping ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David: nguni't hindi ininom ni David yaon, kundi ibinuhos na pinakainuming handog sa Panginoon. 19At sinabi, Huwag itulot sa akin ng aking Dios na aking gawin ito; iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na ipinain ang kanilang buhay sa pagkamatay? sapagka't sa pagpapain ng kanilang mga buhay ay kanilang dinala. Kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong makapangyarihang lalake. 20At si Abisai na kapatid ni Joab, siyang pinuno ng tatlo: sapagka't kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila, at nagkaroon ng pangalan sa tatlo. 21Sa tatlo, siya'y lalong marangal kay sa dalawa, at ginawang kanilang pinunong kawal: gayon ma'y hindi siya umabot sa unang tatlo. 22Si Benaias na anak ni Joiada, na anak ng isang matapang na lalake sa Cabseel, na gumawa ng mga makapangyarihang gawa, ay kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab: siya'y bumaba rin naman at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa panahon ng niebe. 23At siya'y pumatay ng isang taga Egipto, na isang lalaking may malaking bulas, na limang siko ang taas; at sa kamay ng taga Egipto ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; at binaba niya siya na may isang tungkod, at inagaw ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat. 24Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong makapangyarihang lalake. 25Narito, siya'y lalong marangal kay sa tatlongpu, nguni't hindi siya umabot sa unang tatlo: at inilagay ni David sa kaniya na bantay. 26Ang mga makapangyarihang lalake naman sa mga hukbo; si Asael na kapatid ni Joab, si Elchanan na anak ni Dodo na taga Bethlehem: 27Si Samoth na Arorita, si Helles na Pelonita; 28Si Ira na anak ni Acces na Tecoita, si Abiezer na Anathothita; 29Si Sibbecai na Husatita, si Ilai na Ahohita; 30Si Maharai na Nethophatita, si Heled na anak ni Baana na Nethophatita; 31Si Ithai na anak ni Ribai na taga Gabaath, sa mga anak ni Benjamin, si Benaias na Phirathita. 32Si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbathonita; 33Si Azmaveth na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita; 34Ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita; 35Si Ahiam na anak ni Sachar, na Ararita, si Eliphal na anak ni Ur; 36Si Hepher na Mecherathita, si Ahia na Phelonita; 37Si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai; 38Si Joel na kapatid ni Nathan, si Mibhar na anak ni Agrai, 39Si Selec na Ammonita, si Naarai na Berothita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia; 40Si Ira na Ithrita, si Yared na Ithrita: 41Si Uria na Hetheo, si Zabad na anak ni Ahli; 42Si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlongpu ang kasama niya; 43Si Hanan na anak ni Maacha, at si Josaphat na Mithnita; 44Si Uzzias na Astarothita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotham na Arorita; 45Si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kaniyang kapatid, na Thisaita; 46Si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Ithma na Moabita; 47Si Eliel, at si Obed, at si Jaasiel, na taga Mesobiata.
Currently Selected:
I Mga Cronica 11: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in