I Samuel 24
24
1At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng En-gaddi. 2Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing. 3At siya'y naparoon sa mga kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib. 4At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo'y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul. 5At nangyari pagkatapos, na nagdamdam ang puso ni David, sapagka't kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul. 6At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon. 7Sa gayo'y pinigilan ni David ang kaniyang mga tao ng mga salitang ito, at hindi niya sila binayaang bumangon laban kay Saul. At tumindig si Saul sa yungib at nagpatuloy ng kaniyang lakad. 8Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang. 9At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David? 10Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni't hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka't siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon. 11Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka't sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin. 12Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay. 13Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay. 14Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto. 15Maging hukom nga ang Panginoon, at hatulan tayo, at tingnan, at ipagsanggalang ang aking usap, at iligtas ako sa iyong kamay. 16At nangyari, nang makatapos si David ng pagsasalita ng mga salitang ito kay Saul, ay sinabi ni Saul, Ito ba ang iyong tinig, anak kong David? At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig, at umiyak. 17At kaniyang sinabi kay David, Ikaw ay lalong matuwid kay sa akin: sapagka't ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng kasamaan. 18At iyong ipinakilala sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagka't nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay, ay hindi mo ako pinatay. 19Sapagka't kung masumpungan ng isang tao ang kaniyang kaaway, pababayaan ba niyang yumaong mabuti? kaya't gantihan ka nawa ng Panginoon ng mabuti dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito. 20At ngayo'y narito, talastas ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay. 21Isumpa mo nga ngayon sa akin sa pangalan ng Panginoon, na hindi mo puputulin ang aking binhi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sangbahayan ng aking magulang. 22At sumumpa si David kay Saul. At si Saul ay umuwi; nguni't si David at ang kaniyang mga lalake ay umakyat sa katibayan.
Currently Selected:
I Samuel 24: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in