YouVersion Logo
Search Icon

I Samuel 26

26
1At naparoon ang mga Zipheo kay Saul sa Gabaa, na nagsasabi, Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng ilang? 2Nang magkagayo'y bumangon si Saul at lumusong sa ilang ng Ziph, na may tatlong libong piling lalake sa Israel na kasama niya upang hanapin si David sa ilang ng Ziph. 3At humantong si Saul sa burol ng Hachila na nasa tapat ng ilang sa tabi ng daan. Nguni't si David ay tumahan sa ilang, at kaniyang nakita na sinusundan siya ni Saul sa ilang. 4Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul. 5At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya. 6Nang magkagayo'y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako'y lulusong na kasama mo. 7Sa gayo'y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya. 8Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin. 9At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka't sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala? 10At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya'y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay. 11Huwag itulot ng Panginoon na aking iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon: nguni't ngayo'y iyong kunin, isinasamo ko sa iyo, ang sibat na nasa kaniyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y yumaon. 12Sa gayo'y kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul; at sila'y umalis, at walang nakakita, o nakaalam man, o nagising man ang sinoman: sapagka't sila'y pawang mga tulog; sapagka't isang mahimbing na pagkakatulog ang inihulog sa kanila ng Panginoon. 13Nang magkagayo'y dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa taluktok ng bundok na may kalayuan; na may malaking pagitan sa kanila: 14At sumigaw si David sa bayan at kay Abner na anak ni Ner, na nagsabi, Hindi ka sumasagot, Abner? Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, Sino kang sumisigaw sa hari? 15At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka't pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon. 16Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagka't hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan. 17At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari. 18At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka't anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay? 19Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni't kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka't sila'y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios. 20Ngayon nga'y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka't lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok. 21Nang magkagayo'y sinabi ni Saul, Ako'y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka't hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka't ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako'y nagpakamangmang, at ako'y nagkamali ng di kawasa. 22At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin. 23At gagantihin ng Panginoon ang bawa't tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka't ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon. 24At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian. 25Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo'y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.

Currently Selected:

I Samuel 26: TLAB

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in