Mga Gawa 3
3
1Si Pedro at si Juan nga ay nagsisipanhik sa templo nang oras ng pananalangin, na ikasiyam. 2At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya'y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa nagsisipasok sa templo; 3Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos. 4At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami. 5At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay. 6Datapuwa't sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa't ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, lumakad ka. 7At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig: at pagdaka'y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong. 8At paglukso, siya'y tumayo, at nagpasimulang lumakad; at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios. 9At nakita ng buong bayang siya'y lumalakad, at nagpupuri sa Dios: 10At nangakilala nila na siya nga ang nauupo at nagpapalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y nangapuspos ng panggigilalas at pamamangha sa nangyari sa kaniya. 11At samantalang siya'y nakahawak kay Pedro at kay Juan, ay nagsitakbong samasama sa kanila ang buong bayan sa tinatawag na portiko ni Salomon na lubhang nanggigilalas. 12At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya? 13Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan. 14Datapuwa't inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito, at inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao, 15At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito. 16At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan ay pinalakas ng kaniyang pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: oo, ang pananampalataya na sa pamamagitan niya'y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat. 17At ngayon, mga kapatid, nalalaman ko na inyong ginawa yaon sa di pagkaalam, gaya ng ginawa rin naman ng inyong mga pinuno. 18Datapuwa't ginanap ang mga bagay na ipinagpaunang ibinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng mga propeta, na ang kaniyang Cristo ay magbabata. 19Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; 20At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus: 21Na siya'y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una. 22Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya. 23At mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan. 24Oo at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod, sa dami ng mga nagsipagsalita, sila naman ay nagsipagsaysay rin tungkol sa mga araw na ito. 25Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipang ginawa ng Dios sa inyong mga magulang, na sinasabi kay Abraham, At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa. 26Sa inyo una-una, nang maitindig na ng Dios ang kaniyang Lingkod, ay sinugo niya upang kayo'y pagpalain, sa pagtalikod ng bawa't isa sa inyo sa inyong mga katampalasanan.
Currently Selected:
Mga Gawa 3: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in