Deuteronomio 16
16
1Magdidiwang ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskua sa Panginoon mong Dios: sapagka't sa buwan ng Abib inilabas ka ng Panginoon mong Dios sa Egipto sa gabi. 2At iyong ihahain ang paskua sa Panginoon mong Dios, ang sa kawan at sa bakahan, sa dakong pipiliin ng Panginoon na patatahanan sa kaniyang pangalan. 3Huwag kang kakain sa paskua ng tinapay na may lebadura; pitong araw na kakanin mo sa paskua ang tinapay na walang lebadura, ang tinapay ng pagkapighati; sapagka't umalis kang madalian sa lupain ng Egipto: upang iyong maalaala ang araw na inialis mo sa lupain ng Egipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 4At pitong araw na walang makikitang lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan; ni sa anomang karne na iyong ihahain sa unang araw sa paglubog ng araw ay walang maiiwan sa buong gabi, hanggang sa umaga; 5Hindi mo maihahain ang paskua sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: 6Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan, ay doon mo ihahain ang paskua sa pagtatakip silim, sa paglubog ng araw, sa panahon na iyong inialis sa Egipto. 7At iyong iihawin at kakanin sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios; at ikaw ay babalik sa kinaumagahan, at uuwi sa iyong mga tolda. 8Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura: at sa ikapitong araw ay magkakaroon ka ng takdang pagpupulong sa Panginoon mong Dios: huwag kang gagawa ng anomang gawa sa araw na iyan. 9Pitong sanglinggo ang iyong bibilangin sa iyo: mula sa iyong pagpapasimulang isuot ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanglinggo. 10At iyong ipagdidiwang ang kapistahan ng mga sanglinggo sa Panginoon mong Dios na may dulot ng kusang handog ng iyong kamay, na iyong ibibigay, ayon sa ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios: 11At ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios, ikaw at ang iyong anak na lalake at babae, at ang iyong aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nasa gitna mo, sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan. 12At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Egipto: at iyong gaganapin at gagawin ang mga palatuntunang ito. 13Iyong ipagdidiwang na pitong araw ang kapistahan ng mga tabernakulo, pagkatapos na makamalig mo ang aning mula sa iyong giikan at sa iyong pisaan ng ubas: 14At ikaw ay magagalak sa iyong pagpipista, ikaw, at ang iyong anak na lalake at babae, at ang iyong aliping lalake at babae, at ang Levita, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan. 15Pitong araw na ipagdidiwang mo ang pista sa Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon: sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong kinikita, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak. 16Makaitlo sa isang taon na ang iyong mga lalake ay magsisiharap sa Panginoon mong Dios, sa dakong kaniyang pipiliin; sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga tabernakulo: at huwag silang haharap na walang dala sa Panginoon: 17Bawa't lalake ay magbibigay ng kaniyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. 18Maghahalal ka sa iyo ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ayon sa iyong mga lipi: at sila'y hahatol sa bayan ng matuwid na paghatol. 19Huwag kang magliliko ng paghatol; huwag kang tatangi ng mga pagkatao: ni kukuha ng suhol; sapagka't ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at nagliliko ng mga salita ng matuwid. 20Susundin mo ang tunay na katuwidtuwiran, upang mabuhay ka at manahin mo ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. 21Huwag kang magtatanim sa iyo ng Asera ng anomang kahoy sa siping ng dambana ng Panginoon mong Dios, na gagawin mo para sa iyo. 22Ni magtatayo ka para sa iyo ng pinakaalaalang haligi; na kinapopootan ng Panginoon mong Dios.
Currently Selected:
Deuteronomio 16: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in