Isaias 17
17
1Ang hula tungkol sa Damasco. Narito, ang Damasco ay naalis sa pagkabayan, at magiging isang buntong ginto. 2Ang mga bayan ng Aroer ay napabayaan: yao'y magiging sa mga kawan, na hihiga, at walang tatakot. 3Ang moog sa kuta naman ay mawawala sa Ephraim, at mawawalan ng kaharian ang Damasco, at ang nalabi sa Siria; sila'y magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. 4At mangyayari sa araw na yaon, na ang kaluwalhatian ng Jacob ay mangliliit, at ang katabaan ng kaniyang laman ay mangangayayat. 5At mangyayari na gaya ng pamumulot ng mangaani ng nakatayong trigo, at ng panggapas ng kaniyang kamay ng mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa libis ng Ephraim. 6Gayon ma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng pagugog sa puno ng olibo na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataastaasang sanga, apat o lima sa kaduluduluhang mga sanga ng mabungang punong kahoy, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. 7Sa araw na yaon ay titingin ang mga tao sa Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay magkakaroon ng pitagan sa Banal ng Israel. 8At sila'y hindi titingin sa mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, o magkakaroon man sila ng pitagan sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga Asera, o sa mga larawang araw. 9Sa araw na yao'y ang kanilang mga matibay na bayan ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan sa harap ng angkan ni Israel: at magiging sira. 10Sapagka't iyong nilimot ang Dios ng inyong kaligtasan, at hindi mo inalaala ang malaking bato ng iyong kalakasan: kaya't nagtatanim ka ng mga maligayang pananim, at iyong ibinabaon ang punla ng iba: 11Sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong binabakuran, at sa kinaumagahan ay iyong pinamumulaklak ang iyong binhi; nguni't nawawalan ng ani sa araw ng kalumbayan at sa lubhang kahapisan. 12Ah, ang kaingay ng maraming bayan, na nagsisiugong na gaya ng ugong ng mga dagat; at ang daluhong ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng tubig! 13Ang mga bansa ay magsisihugos na parang agos ng maraming tubig nguni't sila'y sasawayin niya, at magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipoipong alabok sa harap ng bagyo. 14Sa gabi ay narito ang kakilabutan; at bago dumating ang umaga ay wala na sila. Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang palad nila na nangagnanakaw sa atin.
Currently Selected:
Isaias 17: TLAB
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in