YouVersion Logo
Search Icon

I MGA CRONICA 14

14
Ang Sambahayan ni David
(2 Sam. 5:11-16)
1Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay.
2At nabatid ni David na itinatag siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel.
3Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
4Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
5sina Ibhar, Elisua, Elfelet;
6Noga, Nefeg, Jafia;
7Elisama, Beeliada, at Elifelet.
8Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila.
9Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim.
10At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay.”
11Kaya't umahon sila sa Baal-perazim#14:11 Ang kahulugan ay Panginoon ng Pagsambulat. at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, “Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha.” Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim.#14:11 Ang kahulugan ay Panginoon ng Pagsambulat.
12Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon.
13At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis.
14Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
15Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
16Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.
17At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa.

Currently Selected:

I MGA CRONICA 14: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in