YouVersion Logo
Search Icon

I JUAN 4

4
Subukin ang mga Espiritu
1Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.
2Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos,
3at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na.
4Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan.
5Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.
6Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12Walang#Jn. 1:18 nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.

Currently Selected:

I JUAN 4: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in