YouVersion Logo
Search Icon

I SAMUEL 16

16
Si David ay Hinirang Bilang Hari
1Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”
2Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’
3At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”
4Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”
5At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.
6Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang#16:6 o binuhusan ng langis. ng Panginoon ay nasa harap niya.”
7Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”
8Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”
9At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”
10Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”
11Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”
12Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”
13Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.
Si David sa Palasyo ng Hari
14Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.
15At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.
16Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”
17Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”
18Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”
19Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”
20Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.
21At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.
22Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”
23Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Currently Selected:

I SAMUEL 16: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in