I SAMUEL 26
26
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
1At#Awit 54 Pamagat dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, “Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?”#26:1 o ilang.
2Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif.
3At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang,
4nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul.
5Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya.
6Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, “Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?” At sinabi ni Abisai, “Ako'y lulusong na kasama mo.”
7Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya.
8Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, “Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit.”
9Ngunit sinabi ni David kay Abisai, “Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon?”
10At sinabi ni David, “Buháy ang Panginoon, ang Panginoon ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak.
11Huwag#1 Sam. 24:6 ipahintulot ng Panginoon na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng Panginoon. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis.”
12Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa Panginoon ang dumating sa kanila.
13Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila.
14At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, “Hindi ka ba sasagot, Abner?” Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, “Sino kang sumisigaw sa hari?”
15Sinabi naman ni David kay Abner, “Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.
16Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buháy ang Panginoon, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan.”
17Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, “Ito ba ay tinig mo, anak kong David?” At sinabi ni David, “Tinig ko nga, panginoon ko, O hari.”
18At kanyang sinabi, “Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay?
19Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang Panginoon ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.’
20Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng Panginoon; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok.”
21Pagkatapos ay sinabi ni Saul, “Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali.”
22At sumagot si David at nagsabi, “Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito.
23Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon.
24Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian.”
25Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon.” Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar.
Currently Selected:
I SAMUEL 26: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001