YouVersion Logo
Search Icon

I SAMUEL 29

29
Tinipon ng mga Filisteo ang Kanilang Hukbo sa Afec
1Samantala, tinipon ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Afec at ang mga Israelita naman ay humimpil sa may bukal na nasa Jezreel.
2Habang ang mga daan-daan at libu-libong panginoon ng mga Filisteo ay nagdaraan, at si David at ang kanyang mga tauhan ay nagdaraan sa hulihan kasama ni Achis,
3ay sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong ito?” At sumagot si Achis sa mga pinuno ng mga Filisteo, “Hindi ba ito ay si David, ang lingkod ni Saul na hari ng Israel na nakasama ko nang maraming araw at mga taon? Simula nang siya'y sumama sa akin ay wala akong natagpuang anumang pagkakamali sa kanya hanggang sa araw na ito.”
4Ngunit ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagalit sa kanya; at sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo sa kanya, “Pabalikin mo ang taong iyan upang siya'y makabalik sa lugar na iyong pinaglagyan sa kanya. Hindi siya bababang kasama natin sa labanan, baka sa labanan ay maging kaaway natin siya. Sapagkat paanong makikipagkasundo ito sa kanyang panginoon? Hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?
5Hindi#1 Sam. 18:7; 21:11 ba ito si David na sa kanya'y umaawit sila sa isa't isa na may pagsasayaw,
‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”
Hindi Nagtiwala kay David ang Filisteo
6Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kanya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, ikaw ay naging tapat, at para sa akin ay matuwid lamang na ikaw ay makasama ko sa pagsalakay. Wala akong natagpuang kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito. Gayunma'y hindi nalugod sa iyo ang mga panginoon.
7Kaya't bumalik ka na ngayon at umalis na payapa, upang huwag mong galitin ang mga panginoon ng mga Filisteo.”
8Sinabi ni David kay Achis, “Ngunit anong aking ginawa? Anong natagpuan mo sa iyong lingkod mula ng araw na ako'y naglingkod sa iyo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag sumama at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoong hari?”
9At sumagot si Achis kay David, “Nalalaman ko na ikaw ay walang kapintasan sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Diyos. Gayunma'y sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, ‘Hindi siya aahong kasama natin sa labanan.’
10Kaya't maaga kang bumangon kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na pumaritong kasama mo; at maaga kayong kumilos sa kinaumagahan, at umalis agad sa pagliliwanag.”
11Kaya't bumangong maaga si David at ang kanyang mga tauhan, upang umalis sa kinaumagahan pabalik sa lupain ng mga Filisteo. Subalit ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.

Currently Selected:

I SAMUEL 29: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in