YouVersion Logo
Search Icon

I TIMOTEO 5

5
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
1Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
9Isama sa talaan ang babaing balo kung siya ay animnapung taong gulang pataas, at naging asawa ng iisang lalaki;
10na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; na siya'y nagpalaki ng mga anak, na siya'y nagpatuloy ng mga panauhin sa kanyang tahanan, naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng paraan.
11Ngunit huwag mong itala ang mga nakababatang babaing balo; sapagkat nang magkaroon sila ng masamang nasa na naghihiwalay sa kanila kay Cristo, ay nais nilang mag-asawa;
12kaya't sila'y nagkakaroon ng kahatulan, sapagkat itinakuwil nila ang kanilang unang panata.
13Bukod dito, natututo silang maging mga tamad, nagpapalipat-lipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa at mga pakialamera, na nagsasalita ng mga bagay na hindi nararapat.
14Kaya nga, ibig kong magsipag-asawa ang mga batang babaing balo, manganak, mamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak,
15sapagkat ang mga iba'y bumaling at sumunod na kay Satanas.
16Kung ang sinumang babaing nananampalataya ay may mga kamag-anak sa mga babaing balo, kanyang tulungan sila upang huwag nang mabigatan ang iglesya, at upang matulungan ng iglesya#5:16 Sa Griyego ay nito. ang mga tunay na balo.
17Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo.
18Sapagkat#Deut. 25:4; Mt. 10:10; Lu. 10:7 sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik,” at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.”
19Huwag#Deut. 17:6; 19:15 kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
21Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi.
22Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili.
23Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit.
24Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon.
25Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim.

Currently Selected:

I TIMOTEO 5: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in