YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 15

15
Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago
1Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,
2at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.
3Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.
4Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.
5Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.
6Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.
7Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”
8Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.
9At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
10Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.
11Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.
12At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.
13Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.
14Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.
15Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
16Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.#15:16 Sa Hebreo ay Ashera. Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.
17Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.
18At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.
19Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 15: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in