YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 16

16
Mga Kaguluhan sa Israel
(1 Ha. 15:17-22)
1Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda.
2At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi,
3“Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin.”
4At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong-kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali.
5Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa.
6Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah.
Si Propeta Hanani
7Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, “Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa Panginoon mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.
8Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa Panginoon, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay.
9Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan.”
10Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Asa
(1 Ha. 15:23, 24)
11Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
12Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot.
13Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.
14Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 16: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in