YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 25

25
Si Haring Amasias ng Juda
(2 Ha. 14:2-6)
1Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem.
2At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa puso.
3Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.
4Ngunit#Deut. 24:16 hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng Panginoon, “Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”
Pakikidigma Laban sa Edom
(2 Ha. 14:7)
5Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag.
6Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak.
7Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang Panginoon ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito.
8Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.”
9At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, “Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” At ang tao ng Diyos ay sumagot, “Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito.”
10Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit.
11Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir.
12Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buháy at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray.
13Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam.
14Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila.
15Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, “Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?”
16Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?” Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, “Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo.”
Pakikidigma Laban sa Israel
(2 Ha. 14:8-20)
17Pagkatapos ay humingi ng payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, “Halika, tayo'y magharap.”
18At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag.
19Sinasabi mo, ‘Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,’ at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”
20Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom.
21Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda.
22At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan.
23Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan.
24Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.
25Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.
26Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?
27Mula nang panahong talikuran niya ang Panginoon ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon.
28Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 25: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in