YouVersion Logo
Search Icon

II MGA CRONICA 30

30
Mga Paghahanda para sa Paskuwa
1Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel.
2Sapagkat#Bil. 9:9-11 ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan—
3yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem.
4Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan.
5Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas.
6Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa Panginoon, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria.
7Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita.
8Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa Panginoon. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo.
9Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.
11Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.
12Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
Ipinagdiwang ang Paskuwa
13Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.
14Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.
15Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.
16At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.
17Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.
18Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,
19na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”
20Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.
21At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.
Ang Ikalawang Pagdiriwang
22Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
23At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.
24Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.
25At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.
26Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.
27Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.

Currently Selected:

II MGA CRONICA 30: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in