II MGA CRONICA 33
33
Si Haring Manases ng Juda
(2 Ha. 21:1-9)
1Si Manases ay labindalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't limang taon sa Jerusalem.
2Siya'y#Jer. 15:4 gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
3Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na iginiba ni Hezekias na kanyang ama. Siya'y nagtayo ng mga dambana para sa mga Baal, at gumawa ng mga sagradong poste,#33:3 Sa Hebreo ay Ashera. at sumamba sa lahat ng mga hukbo ng langit, at naglingkod sa mga iyon.
4Siya'y#2 Cro. 6:6 nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.”
5Siya'y nagtayo rin ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6Kanyang sinunog ang kanyang mga anak na lalaki bilang handog sa libis ng anak ni Hinom, at siya'y gumawa ng panghuhula, pangkukulam, at panggagaway, at sumangguni sa masasamang espiritu, at sa mga salamangkero. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon at kanyang ginalit siya.
7Ang#1 Ha. 9:3-5; 2 Cro. 7:12-18 larawan ng diyus-diyosan na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay ng Diyos, na tungkol doon ay sinabi ng Diyos kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili mula sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.
8Hindi ko na aalisin pa ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda para sa inyong mga ninuno, kung kanila lamang iingatan ang lahat ng aking iniutos sa kanila, ang buong kautusan at ang mga tuntunin at ang mga batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.”
9Inakit ni Manases ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't sila'y gumawa ng higit pang kasamaan kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
10Ang Panginoon ay nagsalita kay Manases at sa kanyang bayan, ngunit hindi nila binigyang-pansin.
11Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong-kawal ng hukbo ng hari ng Asiria, na siyang nagdala kay Manases na nakagapos at itinali siya ng mga kadenang tanso at dinala sa Babilonia.
12Nang siya'y nasa paghihirap, siya'y sumamo sa Panginoon niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno.
13Siya'y nanalangin sa kanya at tinanggap ang kanyang pakiusap at pinakinggan ang kanyang daing, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Diyos.
14Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda.
15Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod.
16Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng Panginoon at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa Panginoong Diyos ng Israel.
17Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa Panginoon nilang Diyos.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Manases
(2 Ha. 21:17, 18)
18Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang kanyang panalangin sa kanyang Diyos, at ang mga propeta na nagsalita sa kanya sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, ay nasa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
19At ang kanyang panalangin, at kung paanong tinanggap ng Diyos ang kanyang pakiusap, ang lahat niyang kasalanan at kataksilan, at ang mga dakong kanyang pinagtayuan ng matataas na dako at ng mga sagradong poste#33:19 Sa Hebreo ay Ashera. at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba, ay nakasulat sa Kasaysayan ni Hozai.
20Kaya't natulog si Manases na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa kanyang sariling bahay. Si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Amon ng Juda
(2 Ha. 21:19-26)
21Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem.
22Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. Si Amon ay naghandog sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kanyang ama, at naglingkod sa mga iyon.
23Siya'y hindi nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama, kundi ang Amon ding ito ay nagbunton ng higit pang pagkakasala.
24At ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya at pinatay siya sa kanyang sariling bahay.
25Ngunit pinatay ng mga taong-bayan ng lupain ang lahat ng nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga taong-bayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kapalit niya.
Currently Selected:
II MGA CRONICA 33: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001