II MGA TAGA CORINTO 7
7
1Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.
Ang Kagalakan ni Pablo
2Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.
3Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.
4Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.
5Sapagkat#2 Cor. 2:13 maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.
6Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,
7at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.
8Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).
9Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.
10Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.
11Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.
12Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.
13Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.
14Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.
15At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.
16Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.
Currently Selected:
II MGA TAGA CORINTO 7: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001