II PEDRO 1
1
Pagbati
1Si Simon#1:1 Sa ibang mga kasulatan ay Simeon. Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:
2Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos
3Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.
4Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.
5At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;
6ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;
7at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.
8Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
9Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.
10Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.
11Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.
13Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,
14yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.
15At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.
17Sapagkat#Mt. 17:1-5; Mc. 9:2-7; Lu. 9:28-35 siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”
18Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.
20Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,
21sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.#1:21 Sa ibang mga kasulatan ay kundi ang mga banal ng Diyos ay nagsalita nang kilusin ng Espiritu Santo.
Currently Selected:
II PEDRO 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001