II SAMUEL 6
6
Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem
(1 Cro. 13:1-14; 15:25–16:6, 43)
1Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.
2Si#Exo. 25:22 David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.
3Kanilang#1 Sam. 7:1, 2 inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,
4na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.
5Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.
6Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.
7Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.
8Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.
9Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”
10Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.
11Ang#1 Cro. 26:4, 5 kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.
12Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.
13Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.
14Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.
15Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.
16Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.
17Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.
18Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.
19Ang#1 Cro. 16:43 kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.
20Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”
21Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.
22Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”
23At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Currently Selected:
II SAMUEL 6: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001