II SAMUEL 8
8
Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan
(1 Cro. 18:1-17)
1Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.
2Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.
3Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.
4Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.
5Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.
6Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.
7Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.
8Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.
9Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,
10sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;
11ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;
12mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.
13At#Awit 60 Pamagat napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.
14Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.
15Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.
16At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;
17si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;
18si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.
Currently Selected:
II SAMUEL 8: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001