II MGA TAGA TESALONICA 3
3
Kahilingan para Ipanalangin
1Sa katapus-tapusan, mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at luwalhatiin na tulad din sa inyo,
2at upang kami ay maligtas sa mga taong makasalanan at masasama, sapagkat hindi lahat ay mayroong pananampalataya.
3Ngunit tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at magbabantay sa inyo laban sa masama.
4At may tiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming ipinag-uutos.
5Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa katatagan ni Cristo.
Babala Laban sa Katamaran
6Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin.
7Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo.
8Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo.
9Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan.
10Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain.”
11Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok.
12Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain.
13Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti.
14Inyong tandaan ang mga hindi sumusunod sa aming mga sinasabi sa sulat na ito; at huwag ninyo siyang pakisamahan nang siya'y mapahiya.
15Gayunma'y huwag ninyong ituring siyang kaaway, kundi inyo siyang pagsabihan bilang kapatid.
Mga Pagbati at Basbas
16Ngayon, nawa'y mismong ang Panginoon ng kapayapaan ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat.
17Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng aking sariling kamay. Ito ang palatandaan sa bawat sulat ko; gayon ako sumusulat.
18Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang lahat.#3:18 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.
Currently Selected:
II MGA TAGA TESALONICA 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001