YouVersion Logo
Search Icon

MGA GAWA 1

1
1O#Lu. 1:1-4 Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula,
2hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang.
3Pagkatapos na siya'y magdusa ay buháy siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.
4Habang#Lu. 24:49 kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin;
5sapagkat#Mt. 3:11; Mc. 1:8; Lu. 3:16; Jn. 1:33 si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?”
7At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad.
8Ngunit#Mt. 28:19; Mc. 16:15; Lu. 24:47, 48 tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
9Pagkasabi#Mc. 16:19; Lu. 24:50, 51 niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin.
10Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit,
11na nagsabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Ang Kapalit ni Judas
12Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.#1:12 humigit kumulang na isang kilometro ang layo.
13Nang#Mt. 10:2-4; Mc. 3:16-19; Lu. 6:14-16 sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,#1:13 Sa Griyego ay masikap. at si Judas na anak ni Santiago.
14Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
15At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu),
16“Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus.
17Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito.”
18(Bumili#Mt. 27:3-8 nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan,#1:18 Sa Griyego ay sa gitna. at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob.
19At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, ‘Ang Bukid ng Dugo’.)
20“Sapagkat#Awit 69:25; Awit 109:8 nasusulat sa aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;’
at,
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin,
22magmula#Mt. 3:16; Mc. 1:9; Lu. 3:21; Mc. 16:19; Lu. 24:51 sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin—isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay.”
23Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias.
24Sila'y nanalangin at nagsabi, “Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili,
25upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar.”
26At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol.

Currently Selected:

MGA GAWA 1: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for MGA GAWA 1